Karina Montefalcon Prequel: Awarlaward

7 10 2008

Bago natin simulan ang bagong kabanata sa buhay ni Karina Montefalcon, balikan natin ang kanyang nakaraan…

Napawi ang pagod at ngawit na ngawit na mga binti ni Jonred nang naupo sa isang upuan sa tapsilogan.  Pinagtabi-tabi naman ng kanyang mga kasama ang isa pang mesa para makasama ang iba pang mga kaibigan nila.  Umupo si Mama Tanya sa isang kabisera ng mesa, malapit sa kinauupuan ni Jonred.  Hindi maitago ni Mama Tanya ang kanyang pagkainis.

“Ano’ng klaseng judge ang mga ‘yan,” tanong niya.  “Bakit ikaw ang binigyan ng Darling of the Crowd?”

“Mother, okey lang,” sagot ni Jonred, na sa gabing iyon ay mas kilala bilang babaeng nagpatibok sa puso ni Marc Nelson, walang iba kundi si Patricia… Javier.  “Mabuti na ‘yung may award kaysa sa wala.”

Tinawag ni Jonred ang isang bantay, “Ate, Tapsisi po sa akin saka isang Coke.”

Napatingin na lang kay Jonred ang iba pang mga kasama, malungkot din gaya ni Mama Tanya.  “Alam mo naman kung kanino binibigay ang title na ‘yan,” sabi ni Reynaldo, na kilala sa parlor bilang Yna ngunit noong gabing iyon ay mas kilala bilang ang batang Ula na naging dalaga na.  Walang iba kundi si Miss… Judy Ann… Santos.

“Ano po sa inyo,” tanong ng bantay.

“Longsisilog po Ate, saka tubig,” sagot ni Yna.

“Binibigay ang Darling of the Crowd sa pinakapangit at pinagtatawanan ng audience,” dugtong ni Billy na Billy rin ang tawag ng mga kapwa bakla.  Nakapasok siya sa Semifinals ng pageant na pinagganapan sa kanto ng Metrica tatlong oras ang nakakaraan.  Noong gabing iyon ay nagbagong-anyo siya bilang maging kamukha ng nagpabaliw sa masa noong dekada 80, walang iba kundi si Miss… Sheryl… Cruz.  Sa kasamaang palad, hindi siya umabot sa Final 5.

“Hotsiloglog po sa amin ni Billy, saka Coke,” sabi ng isa nilang kasama bago niya ibigay ang kanyang opinyong may kinikilingan.  “Dapat naman talaga nasama ka man lang sa semi,” dugtong ni Arnel, ang matabang ka-dorm nila na nagsilbing Ninang nang gabing iyon.  Siya ang tagabuhat ng mga gown at taga-ayos ng make-up ng mga kaibigan niyang sumali sa pageant.  “Maganda naman ang lakad mo, pinalakpakan nang todo ang talent mo na nagsa-sign language habang sumasayaw.  Feeling ko nagpatawag sila ng kusinero.”

“Sabi ko na nga ba dapat sa may Don Quijote na lang tayo sumali,” sambit ni Mama Tanya.  Dahil Pista ng Santo Nino sa Maynila, naglipana ang mga gay pageant sa halos bawat kanto na ginanap nang halos sabay-sabay.  “Nang makita kong kausap ng organizer ang limang contestant tapos, nagduda na ako.  Biruin niyo, hindi man lang tayo nilapitan ng organizer na ‘yun.  Ni ha ni ho, walang sinabi.”

“Yung isa ngang finalist nakita kong nagmano sa isa sa mga judge habang hinahanda ang pageant,” sabi ni Yna.  “Hindi ko na lang pinansin noong una, pero ngayon napaisip ako.”

“Maloka ka, Mare,” pagsingit ni Arnel.  “‘Yung dalawa pa nga sa finalist, saylalu ang bukelya habang Bimsu Competition.”

“Parang may mali sa pagpili sa finalists,” sabi ni Billy.

“Talagang may mali,” dugtong ni Mama Tanya.  “Ni hindi man lang kagandahan ang finalists.  Tapos noong Q. A. naman, sinindak na lang sa English ang mga judges.”

Habang naglilitanya sa Mama Tanya ay may ilang mga costumer ang pumasok sa tapsilogan.  Nagulat ang mga baklang nakakita sa kanya’t gumawa ng paraan upang mapaawat si Mama Tanya.”

“Mama, hindi po ba kayo oorder,” tanong ni Billy.

“Anak, sa sama ng loob ko sa pageant na ‘yan baka magpa-order pa ako ng lutong Makaw,” sagot ni Mama Tanya.

Lumapit ang mga costumer sa isang mesa kung saan nakaupo ang kanilang kakilala.

“What’s this message you sent us all about,” tanong ng isa sa mga costumer habang umuupo.

“Sis, you should have heard what they say behind your back,” sabi ng kabarkada habang umuupo ang limang baklang suot-suot pa rin ang kanilang mga gown at sash.  “Those losers say that your pageant titles were a joke.”

Nanlaki ang mga mata ni Jay-ann, ang baklang sa gabing ito kilala sa bansag na Natalie Portman.  Tumayo mula sa kinauupuan at lumapit sa grupo ni Jonred ang title holder ng pageant.

“Excuse me, are you people talking to me,” tanong ni Jay-ann.

Napalingon si Mama Tanya at tila nagulat na nakitang naroon pala ang kanilang pinaparinggan.

“No, we were not talking about you,” sagot ni Jonred.  “My mother here was merely questioning how the judges chose the finalists.”

“How dare you doubt the validity of our awards,” panlilisik ni Jay-ann.  “Don’t you know that the five of us came from the most prestigious, exclusive public school in the country? We belong to an elite few who bear superior knowledge unlike those of you who merely managed to go to other schools.”

Malutong ang pagtawa ni Jay-ann na punung-puno ng lait.  “In the end, only one thing is for sure:  We are damn prettier than all of you.”

Tumalikod si Jay-ann at naglakad palayo.  Nagsitayuan din ang iba pang mga finalist.

“Aba pu…” tatayo rin sana si Arnel ngunit inawat siya ng ibang mga kasama.

“Mare, feeling ko tagarito ang mga ‘to,” sabi ni Billy kay Arnel.

“Grabe naman ‘yun kung magsalita,” sabi ni Yna.  “Kinukuwestyon lang naman natin ang paraan ng pagpili ng mga judge sa finalist, pero feeling nila sila ang ininiipit.”

“Well, halatang guilty kasi,” sagot ni Mama Tanya.  “Masyadong defensive ang title holder.”

Sa buong pangyayaring ito, kalmado pa rin si Jonred.  Napalinga siya kay Mama Tanya sabay sabing, “Ganyan pala ang nagagawa ng beauty title.”


Actions

Information

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s




%d bloggers like this: