Karina Montefalcon (Part 3)

19 08 2008

(Basahin ang Part 2 dito.)

Sa isang mahabang bangko nakaupo si Jonred, kandong ang isang malaking bag na puno ng kanyang mga gamit. Araw ng Linggo kung kaya maraming tao ang paroo’t parito sa terminal ng bus. Hinihintay niya ang kanyang sakay pauwi sa probinsya. Katorse oras papuntang Tuguegarao, kung saan maglilipat pa siya ng sakay at bibiyahe pa ng dalawang oras para makapunta sa Santa Praxedes.

Hindi niya maalis sa isipan ang nangyari habang papunta sila nina Tanya sa pagdadausan ng kanyang pagtatapos. Matindi ang pagtatalo ng kanyang tinuturing na pangalawang ina sa driver ng taxi na kanilang sinasakyan.

“Tama naman si Rosales eh,” sabi ng Mamang Driver na medyo nasa katandaan na. “Masyado kasing nagpapapansin ang mga bakla sa telebisyon kaya nagiging masamang impluwensya kayo sa mga bata.”

“Kuya, ano naman ang magagawa mo sa mga artistang bading kung sila ang hinahanap-hanap ng madla,” kontra ni Tanya. “Kami pa nga ang nagbibigay-kulay sa mundo ng telebisyon dito.”

“Mama Tanya, hayaan niyo na siya,” sabi na lang ni Jonred. Alam niya na mahirap makipagtalo sa mga taong sarado ang isipan.

“Aba, bakla rin pala ang kasama mo,” hirit ng driver. “Tang ina, akala ko pa naman babae. Mapanlinlang talaga kayo.”

Hindi niya mapigilang sumagot. “Wala naman po sigurong masama kung magpapakatotoo tayo sa ating sarili, hindi po ba?”

“Magpakatotoo ka sa Diyos, anak!” Tumaas ang boses ng driver, tila nag-aastang nangangaral na pastor.

Nanahimik na lang si Jonred. Andami niyang gustong sabihin sa driver pero hindi na niya masambit. Nanatiling tikom ang kanyang bibig nang mga sandaling iyon…

“Nagpapakatotoo po ako sa Diyos, Kuya. Heto po ako, Panginoon, isang bakla. Nagpapakatotoo sa Iyo. Mahalin Mo ako bilang ako.”

Binuksan ni Jonred ang kanyang bag at hinalungkat ang kanyang wallet. “Heto ang bayad Kuya. Ibaba niyo lang kami diyan sa tabi.”

Iyon lang ang naiisip ni Jonred na kaya niyang gawin upang ipagtanggol ang kanyang sarili at maging ang kapakanan ni Tanya. Tumabi ang taxi sa tapat ng Manila Planetarium. Ibinigay ni Jonred ang P200 sa Mamang Driver. “Sa iyo na ang sukli,” sabi ni Jonred. “God bless.”

Hindi na umimik ang driver, tila pakiramdam niya’y nanalo siya sa argumento ng mga kasapi sa Ang Dating Daan laban sa Iglesia ni Cristo. Pinagmasdan ni Jonred ang pag-alis ng taxi, todo ang pagbuga ng maitim na usok nitong halos dumikit sa make-up ng cum laude. Nakatingin naman si Tanya sa kanyang tinuring na bunsong anak. Alam niyang tuwing may Kristiyanong makikipagtalo sa isang bakla, laging talo ang bakla sa mata ng Diyos. Nakaramdam siya ng awa, awa kay Jonred, awa sa kanyang sarili.

“Ako na ang magbabayad ng susunod nating sakay, anak,” sabi ni Tanya. Tumango na lang si Jonred.

Buhat-buhat ang kanyang malaking bag, pumasok si Jonred sa bus patungong Tuguegarao. Matagal na niyang hindi nasisilayan ang kanyang ama, kaya hindi siya sigurado kung ano ang magiging reaksyon nito kapag nakita niya na ang kanyang anak ay mahaba na’ng buhok, may kurba ang baywang at balakang, at may isang pares ng malalaking dibdib.

Pumuwesto si Jonred sa bandang likuran ng bus, isang silya sa harap ng pinakadulo nito. Inilagay niya ang kanyang bag sa itaas na istante bago naupo sa tabi ng bintana ng bus. Nakatitig lang siya sa labas, pinapanood ang paroo’t-parito ng mga tao na nagmukhang mga langgam sa liit. Naisip niya ang kanyang sarili na kabilang sa mga langgam na iyon, na kahalo lamang sa lupon. Ngunit hindi tulad ng ibang mga langgam, nagnanais siyang makaangat sa iba, na magiging kabilang sa mga taong nagbigay-silbi sa lipunan, at alam niyang matutupad iyon pagsapit niya sa abog…

“Miss, excuse me.”

Napalingon si Jonred sa looban ng bus. Nakatingin sa kanya ang isang makisig na binata.

“May nakaupo ba sa tabi mo?”

Umiling si Jonred sabay nagpakita ng mahiyaing ngiti. “Sige, upo ka.”

(Itutuloy)


Actions

Information

2 responses

26 08 2008
26 08 2008
Karina Montefalcon (Part 4) « Empress Maruja

[…] Karina Montefalcon (Part 3) […]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s




%d bloggers like this: