Karina Montefalcon: Ang Huling Pa-gurl ng Pilipinas (Part 1)

20 07 2008

Ilang oras na lang at magtatapos sa kolehiyo si Jonred. Hinanda na niya ang mga plano na tatahakin niya sa hinaharap: mag-aral ng abogasya, maghanap ng trabaho sa isang law firm, kumita ng sapat na pera upang makapagretiro na ang kanyang ama mula sa pangingisda, makabili ng sariling bahay at kotse sa Maynila, at tumandang mayaman at masaya sa buhay.

Pero bago pa mangyari iyon, kailangan niyang maghanda. Kailangan maganda siya.

Sa isang maliit na parlor malapit sa unibersidad na kanyang pinapasukan magpapaayos si Jonred ng kanyang buhok at mapapa-make up. Ito ang kanyang tambayan sa apat na taon niyang pamamalagi sa Maynila. Kahit matagal na siyang pabalik-balik sa establishimiyentong ito, nag-iiwan ng patagong ngiti sa mga labi ni Jonred tuwing nakikita niya ang karatula nito:

“Hair, That Make-Up by Tanya de la Merced”

Bukas ang kahoy na pinto, ngunit tila walang tao sa parlor. Masikip ang lugar ngunit maraming kagamitan ang matatagpuan sa loob ng parlor, at bawat isang gamit dito’y may natatanging alaala si Jonred. Naroon ang isang mahabang bangko kung saan naghihintay ang mga kostumer. Dito tumatambay si Jonred tuwing walang pasok. Malapit lang kasi ang parlor sa kanyang dormitoryo. Kasama rin niya sa pag-upo ang iba pang mga bakla na nakikitira sa mga kuwarto sa itaas ng parlor. Umiikot ang usapan, tawanan, at kulitan ng magkakaiban sa loob ng maliit na estudyo na iyon gabi-gabi.

Sa harap nito’y dalawang upuang pamparlor na may kaharap namang isang malapad na salamin at mahabang mesa na punung-puno ng mga suklay, gunting, blower, at iba pang mga kagamitan sa paggupit ng buhok. Napangisi si Jonred nang maalala niya ang minsan niyang pagsali sa isang gay beauty pageant noong kapistahan ng Santo Niño sa Sampaloc. Dito siya nagpaayos ng buhok at humiram pa ng wig upang matakpan ang kanyang barber’s cut na gupit. Nanghiram pa siya ng isang asul na gown na may itim na korse. Kinailangan pa siyang alalayan ng apat na iba pang tambay ng parlor upang maisintas nang mahigpit ang korse’t magkasya sa kanyang malapad na pangangatawan. Nanalo siya ng Miss Friendship, ang parangal para sa kandidatang kapos sa kagandahan.

Sa isang banda ng parlor matatagpuan ang ateliyer, kung saan rolyo-rolyong mga telang para sa mga tinatahing evening gown ang nakapatong sa isang kuwadradong mesa. Nakasabit sa malapit ang iba’t ibang mga gown na pinapahiram sa mga debutante’t mga kandidata para sa iba’t ibang beauty contest mula Tondo hanggang Santa Cruz. Sa ilalim ng bulto-bultong mga gown na ito unang naranasan ni Jonred ang makahalikan ng isang lalake. William ang pangalan niya’t madalas ding tumambay sa parlor tuwing nangangailangan ito ng pera. Binayaran ni Jonred ng singkuwenta pesos si William, at may dagdag pang sampung piso para pambili ng softdrinks.

Kumatok si Jonred nang ilang beses. Ilang sandali pa’y may taong lumabas mula sa kabilang pintuan patungong kusina at banyo. Mahaba ang kanyang buhok na nakatali sa likod, nakaputing t-shirt at pantalong maong. Mababakas sa kanyang mukha ang ilang taong karanasan sa buhay. Siya ay walang iba kundi ang nag-iisang parlorista’t mananahi ng estudyo.

“Hello po, Mama Tanya,” bati ni Jonred.

Dinapo ni Mama Tanya ang kanyang kanang kamay sa dibdib sabay napanganga, kunwari’y nagulat sa kanyang nakita. Binati niya si Jonred sa pangalang ibininyag ng parlorista sa estudyante.

“Aba, si Karina Montefalcon!”

(Basahin ang kasunod dito.)

Advertisements

Actions

Information

7 responses

21 07 2008
chuchucaracas

aminin hiniram ko rin yung asul na gown na yun bwahahaha

21 07 2008
akosimakoy

hmmm. interesting story hah.

21 07 2008
chuchucaracas

aminin hiniram ko rin yang blue na gown na yan hahaha

21 07 2008
Empress Maruja

@ chuchucaracas – Oh my gash! Naalala ko bigla blue rin pala ang gown mo sa Royal Tigress. Hahaha!

24 07 2008
Sirena Down Under

Nagising ka, Maruja! Mabuti naman, aba’y nabubura na ang gay lingo sa dila ko dahil hindi kita nababasa, eh. Ganda nito, ah..parang nagbabasa ng Liwayway..itutuloy, ha, pramis? Cheers!! 😉

27 07 2008
Karina Montefalcon: Ang Huling Pa-gurl ng Pilipinas (Part 2) « Empress Maruja

[…] Karina Montefalcon: Ang Huling Pa-gurl ng Pilipinas (Part 2) 27 07 2008 (Basahin ang Part 1 dito) […]

4 09 2012
wfefwfw

are the characters based from real people? i know someone exactly with that name

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s




%d bloggers like this: