Gay Word of the Week: Francis Lalaine

13 04 2008

Sa isang maliit na klinika sa Maynila, nagkita muli ang dalawang matalik na magkaibigan.

“Kamusta ka na ngayon, Maricris,” tanong ng doktor.

Medyo kinakabahan pa rin si Maricris, gaya noong mga nakaraang linggong dinadalaw niya ang kanyang kaibigan. “Nawala na ang mga pangangati saka mga pamamanhid, Mareng Annabelle. Kaya lang nandoon pa rin ‘yung mga kirot sa tiyan saka ‘yung pagdumi ko hindi pa rin maayos.”

Kahit na matatanda na ang dalawa, ginagamit nila ang kani-kanilang mga alyas noong sumasali pa sila sa mga gay beauty pageant tuwing nag-uusap sila. Matagal na silang hindi nagkikita, pero biglang nagparamdam si Maricris nang makaramdam siya ng mga sintomas. Isinaliksik niya ito sa Internet na nalaman niya na kahawig ito sa Acute HIV Infection at eksakto, nakipagtalik siya sa isang bathhouse dalawang linggo bago siya magkasakit. Dito sa klinikang pinupuntahan ng mga may STD at HIV nagpakonsulta si Maricris, dahil confidential ang lahat ng records ng mga pasyente.

“At least kung positibo nga ako na may sakit ako, hindi malalaman ng gobyerno, di ba,” paniniguro ni Maricris.

Kalmado lang si Doktor Annabelle. “Hintayin muna natin ‘yung mga resulta ng lab test mo.”

“Hindi ka ba nag-aalala,” tanong ni Maricris.

“Nag-aalala ako siyempre, kaibigan kita eh,” sagot ni Annabelle. “Pero sa totoo lang, sa mga sinasabi mong mga sintomas, malabong HIV ‘yan.”

Tumaas nang bahagya ang boses ni Maricris sa kanyang sagot, pero alala pa rin niyang hindi ito marinig ng iba pang mga pasyente na nakapila sa labas ng kuwarto. “Ano ka ba? Halos pareho ang sintomas ko. Kumirot ang mga ugat ko, sumasakit ang mga kasukasuan ko sa kamay at paa, hindi ako makadumi tapos dudumit ako ng sobra-sobra, inuubo ako, nangati ako’t nagkapantal-pantal ang aking balat…”

“Na halos kapareho rin sa mga sintomas ng diabetes, tuberculosis, at mga impeksyon mula sa virus,” sabad ni Annabelle. “Hindi ka naman nilagnat, ‘di ba? Wala ka namang trangkaso. Hindi nanunuyo ang pag-ubo mo.”

“Sana tama ka,” nakayukong sagot na lang ni Maricris. Makalipas ng ilang sandali, pumasok ang tekniko medikal dala-dala ang resulta ng mga lab test. Unang inilabas ni Annabelle ang x-ray ni Maricris sa dibdib.

“Mukhang normal naman ang baga mo. Wala kang TB,” sabi ni Doktora.

“Pero anu-ano ‘yung mga sapot sa baga,” turo ng pasyente.

“Alam mo Francis Lalaine, plema lang ‘yan.”

Hindi Francis Lalaine ang totoong pangalan ni Maricris, pero hindi ito pinansin ng maysakit. Isinunod naman ni Annabelle ang resulta ng CBC para makita ang kalagayan ng dugo ni Maricris.

“Normal naman,” sabi ni Annabelle sabay ipinakita ang papel sa kaibigan.

“Pero ‘yung segmentors ko, mas mataas kaysa sa karaniwang bilang,” sagot ni Maricris.

“Normal pa rin ‘yan,” sagot na lang ng Doktora. “Wala akong nakikitang magpapahiwatig na may impeksyon ka mula sa bacteria. Tapos, ‘yung white blood cells mo naman hindi mataas. Ibig sabihin, malabong may HIV ka.”

“Hindi ba ako puwedeng magpa-HIV test ngayon,” labis na pag-aalala ni Maricris.

“Wala pang tatlong buwan mula nang magkasakit ka. Antibody test ang ginagamit namin dito, hindi ELISA test na ginagamit sa PGH. Para sigurado, magpa-test ka sa June, pero ngayon pa lang nakikita kong malabo ito. Basta huwag ka lang muna makipagtalik sa ibang lalake bago mag-Hunyo.”

Isinunod naman niya ang resulta ng urinalysis. Ganoon pa rin ang reaksyon ni Annabelle.

“Walang problema ang pag-ihi mo. Normal lahat,” kalmadong paniniguro ng Doktora. Gayon din ang lumabas na resulta sa FBS: normal din. Wala siyang diabetes.

“Baka naman syphilis na ito,” kaba ni Maricris. Kakakuha lang ng dugo sa kanya para magpa-RPR. Ito, at ang resulta ng Thyroid Function Test, ang hinihintay ng dalawa.

“Huwag mong masyadong isipin, Francis Lalaine,” sagot ni Annabelle, sabay pasok muli ng tekniko medikal at iniabot ang mga natitirang resulta.

“Hindi ako si Francis Lalaine,” kontra ni Maricris. “Concerned lang ako sa kalusugan ko.”

“Sa nakikita ko kasi, parang psychosomatic lang ‘yan,” pagtatapat ni Annabelle. “‘Yung mga sintomas lumilitaw pagkatapos mong basahin sa Internet.”

“Sana ganyan lang kadali,” sabi ng pasyente habang binubulalat ni Dok Annabelle ang resulta ng RPR. Mayroon siyang ibinilog na salita sa papel.

“Basahin mo,” sabi ni Annabelle sabay turo sa resulta para makita ni Maricris.

“Nonreactive… ibig sabihin, negative,” tanong ni Maricris. Tumango ni Annabelle.

“Huwag kang masyadong mag-alala kasi, okey,” sabi na lang ni Annabelle. “Tigilan na ang pagiging Francis Lalaine at hindi siya nakabubuti sa kalusugan mo.”

“Teka, may isang test pa,” paalala ni Maricris.

“Oo nga pala,” muntik nang malimutan ni Annabelle ang Thyroid Function Test. Binulalat niya ang papel na naglalaman ng resulta. Nag-iba bigla ang kanyang reaksyon.

“Ano ‘yun, Dok,” tanong ni Maricris.

“Alam ko na kung ano ang problema mo,” sabi ni Annabelle sabay sulat sa riseta. “May hyperthyroidism ka.”

“Sabi ko sa ‘yo may sakit ako,” sabi na lang ni Maricris.

“Pero mabuti na lang at hindi STD,” sagot ni Annabelle. Huminga na lang nang maluwag ang pasyente.

**********

Francis Lalaine: (adjective) being in a state of constant panic

Etymology: Unknown, probably incorporating the word “praning” (over anxiety) into the name Francis.


Actions

Information

9 responses

13 04 2008
mariko

kaluka ang word na to. naisip ko na napa-praning sya, pero di ko nahulaan na connected yun sa word!

14 04 2008
Lyka Bergen

Nasa wedding ako kahapon. At ang pangalan ng kinasal? Si Francis at si Lalaine! Gosh! Coincidence Ba tets? Na Francis Lalaine tuloy aketch!

14 04 2008
Fiona

Ayy, yun pla yun…šŸ™‚ May bago na ako itatawag kay princhepe ko… =)

14 04 2008
ex-borjstalker

hahaha! naluka aku!

15 04 2008
barquera

tumbling ako sa meaning ng word hahaha.. ano naman ang koneksyon ni Lalaine ke Francis hahahaha?

18 04 2008
chuchucaracas

nako girl kamusta na kaya ang tunay na francis lalaine? nakakalokah!

19 04 2008
Fendi

ahaha! pati ako na Francis Lalaine na yata!

20 04 2008
ate sienna

anoba!!!!! naloka ako sa etymology! mwahahahaha!!!!

27 04 2008
Kai

haha… pwede!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s




%d bloggers like this: